Mariing kinondena ng mga consumer advocates at ng grupong Bayan Muna ang nararanasang “bill shock” ng milyun-milyong customer ng Meralco ngayong Abril at Mayo 2026, sa gitna ng record-high na singil na pumalo sa ₱14.3496 per kWh.
Ttinawag ni Bayan Muna Chairman Neri Colmenares ang sitwasyon na isang uri ng “legalized robbery” na pinapasan ng mga ordinaryong Pilipino.
Ayon kay Colmenares, hindi katanggap-tanggap na ang mga consumer ang sumasalo sa bawat paghina ng piso laban sa dolyar dahil sa mga “dollar-denominated” na kontrata ng Meralco.
“Bakit ang taumbayan ang pinagbabayad ninyo sa paghina ng piso? Ang Meralco ay kumikita ng bilyon-bilyon, pero ang risk ng palitan ng dolyar ay ipinapasa sa mga pamilyang hindi na magkandaugaga sa taas ng presyo ng bigas at bilihin,” ani Colmenares.
Binigyang-diin din ni Colmenares ang hindi makatarungang pagpataw ng 12% Value-Added Tax (VAT) sa System Loss Charge.
Inihalintulad niya ito sa pagbili ng gamit sa palengke kung saan may “iuuwi” ang mamimili kapalit ng binayarang buwis.
“Sa system loss, nagbayad ka ng 12 percent VAT, pero anong inuwi mo? Wala. Bayad ito sa kuryenteng hindi mo naman ginamit, kuryenteng nawala dahil sa inefficiency ng Meralco o sa mga illegal connection na sila naman dapat ang rumeresolba.
Related Links:
Coal Power Phase-Out vs. Lobbying Politics: Ang Hamon ng Paglipat sa Malinis na Enerhiya
Hindi namin kasalanan, bakit kami ang sisingilin?” giit ni Colmenares.
Pinuna rin ng mga kritiko ang tila “pagong” na paglipat ng Meralco sa Renewable Energy (RE) habang ang ilang distribution utilities sa Iloilo, Bohol, at Davao ay nakakaranas ng mas mababang singil dahil sa local at renewable sources, ang Meralco ay nananatiling nakasandal sa imported natural gas at coal.
“Sampung porsyento (10%) lang ang renewable energy ng Meralco. Ang natitira, imported na gas at coal na binabayaran sa dolyar. Kaya bawat kibot ng world market, bill shock ang hatid nila sa atin. Ito ang bunga ng pagiging monopolyong nakasandal sa dayuhang interes,” dagdag pa ni Colmenares.
Nananawagan ang Bayan Muna na kumilos ang Meralco at I-renegotiate ang lahat ng Power Supply Agreements (PSAs) sa mga coal at gas plants upang maging “Peso-denominated” at hindi “Dollar-indexed” ang bayad sa kanilang kontrata.
Alisin ang VAT sa system loss at iba pang pass-through charges at gamitin ang pondo ng gobyerno sa mga subsidy sa lifeline rates sa halip na ipasa ito sa bill ng mga regular na consumer.


