Kwentong Politika

Inutusan ng DOTr ang NLEX na Itigil ang Paniningil ng Toll sa Northbound Segment ng Marilao Matapos ang Pagbangga sa Tulay

June 19, 2025

Inatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang North Luzon Expressway (NLEX) Corp. na agad ihinto ang paniningil ng toll sa northbound segment ng Marilao matapos ang isang nakamamatay na aksidente noong Miyerkules, kung saan muling nabangga ng isang trak ang Marilao Interchange Bridge.

Sa isang “notice to explain” at opisyal na kautusan na ipinadala sa mga opisyal ng NLEX Corp., ipinaabot ni Transportation Secretary Vince Dizon ang kanyang “profound concern and disappointment over the recurring incidents of overheight vehicles striking critical infrastructure” (matinding pag-aalala at pagkadismaya sa patuloy na insidente ng mga sasakyang labis ang taas na bumabangga sa mahahalagang estruktura) sa NLEX. Binanggit niyang ang pinakahuling aksidente ay isang “unacceptable failure of operational diligence” (hindi katanggap-tanggap na kabiguan sa maayos na pagpapatakbo) sa panig ng NLEX.

“Your continued failure to implement comprehensive preventive protocols, including but not limited to real-time height monitoring systems, strict enforcement of entry screening for overheight vehicles, and adequate physical deterrents and warnings, demonstrates an alarming lack of proactive risk management and a grave breach of duty to the public,” (Ang patuloy ninyong kabiguan na ipatupad ang masusing mga pananggalang na protokol, kabilang ngunit hindi limitado sa real-time height monitoring systems, mahigpit na pagpapatupad ng screening sa pagpasok ng mga sasakyang lampas sa taas, at sapat na pisikal na babala at hadlang, ay nagpapakita ng nakababahalang kakulangan sa maagap na pamamahala ng panganib at matinding paglabag sa tungkulin sa publiko) ayon pa sa sulat.

Bilang tugon, inatasan ng DOTr ang NLEX Corp. na suspindehin ang paniningil ng toll sa apektadong bahagi ng Marilao kung sakaling magpatuloy ang matinding trapiko at hanggang sa maibalik at ma-certify ng mga awtoridad ang kaligtasan ng tulay.

Hiniling din ng ahensya na magsumite ang NLEX ng nakasulat na paliwanag sa loob ng tatlong araw kung bakit hindi sila dapat patawan ng administratibong parusa, kabilang ang posibleng suspensyon o pagbabago ng kanilang pribilehiyong maningil ng toll dahil sa kabiguang matupad ang mga obligasyon sa kaligtasan.

Kasabay nito, inatasan din ang kumpanya na magbigay ng pinansyal, medikal, at lohistikal na tulong sa pamilya ng mga biktima.

Kailangan ding magsumite ang NLEX ng isang “concrete and verifiable safety improvement plan” (konkretong at mapatutunayang plano para sa pagpapabuti ng kaligtasan) para sa buong koridor ng expressway sa loob ng sampung araw ng trabaho.

Kung hindi susunod sa mga kautusan, maaaring humarap ang NLEX sa mga administratibong parusa, suspensyon ng karapatang maningil ng toll, o pagbawi/pagbabago ng kanilang operasyon sa ilalim ng regulasyon ng Toll Regulatory Board at ng DOTr.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya ng Marilao, dumaan ang trailer truck sa Meycauayan exit papuntang Malabon, ngunit nabangga nito ang interchange bridge sa northbound lane pagdating sa Marilao.