Si Sebastian “Baste” Duterte ang magsisilbing acting mayor ng Davao City habang hindi makapanumpa at makaupo sa puwesto ang kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahil sa kanyang pagkakakulong sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Ito ang paliwanag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia nang tanungin kung ang vice mayor-elect ang siyang gaganap bilang alkalde kung hindi makakaupo sa puwesto ang nanalong mayor.
“Yes, po, by the operation of the law, by operation of the Local Government Code,” (Opo, sa bisa ng batas, sa bisa ng Local Government Code) ani Garcia sa panayam ng mga mamamahayag.
Tinukoy niya ang Local Government Code na nagsasaad ng mga patakaran sa succession at kung ano ang mangyayari kapag pansamantala o permanenteng hindi makaganap ng tungkulin ang isang halal na opisyal.
Ayon sa Section 46 ng nasabing batas, kapag ang mayor ay pansamantalang walang kakayahang gampanan ang kanyang mga tungkulin dahil sa pisikal o legal na dahilan, ang vice mayor ang siyang aakto bilang alkalde.
“That’s what the Supreme Court says in the case of Mangudadatu vs. Comelec, regardless of whether it is disqualification or cancellation after the assumption to office by June 30, 12:01, those who will assume office will be by succession,”
(Iyan ang sinasabi ng Korte Suprema sa kaso ng Mangudadatu vs. Comelec—kahit pa ito ay diskalipikasyon o pagkansela ng kandidatura matapos manumpa sa puwesto pagsapit ng Hunyo 30, 12:01 ng madaling araw, ang mga uupo ay batay sa panunungkulan sa pagkakasunod-sunod.)
Sinabi rin ng Comelec chief na wala nang hurisdiksyon ang komisyon sa mga halal na opisyal simula Hunyo 30, kung wala silang nakabinbing kaso sa poll body.
“As long as they don’t have pending cases before us, we have not arrived at a decision, and there was a proclamation, the jurisdiction will be transferred to the DILG (Department of Interior and Local Government) on June 30,”
(Hangga’t wala silang nakabinbing kaso sa amin, wala kaming desisyon, at may pormal na proklamasyon na, ililipat ang hurisdiksyon sa DILG pagsapit ng Hunyo 30.)
“Now, on who will assume office, and what will happen to the candidate, that will be the call of DILG,”
(Ngayon, kung sino ang uupo sa puwesto at kung ano ang mangyayari sa kandidato, nasa desisyon na iyon ng DILG.)
Ayon kay DILG Undersecretary for External, Legal, and Legislative Affairs Romeo Benitez, “there are no laws disqualifying the former president from taking his oath of office despite being detained.”
(Walang batas na nagdi-diskwalipika sa dating pangulo na manumpa sa tungkulin kahit siya ay nakakulong.)
Ngunit nilinaw din niya na “his detention renders him both physically and legally temporarily incapable of performing his duties and functions as mayor.”
(Ang kanyang pagkakakulong ay nagsisilbing pansamantalang pisikal at legal na balakid upang magampanan niya ang kanyang mga tungkulin bilang alkalde.)
Dagdag ni Benitez, ang pinakamataas na ranggo sa Sangguniang Bayan ang gaganap bilang acting vice mayor, batay sa Administrative Order No. 15 series of 2018.
Sa kabila ng kanyang pagkakakulong sa ICC dahil sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga, si dating Pangulong Duterte ay nanalo bilang alkalde ng Davao City sa pamamagitan ng isang landslide win na may 662,630 boto.





