MANILA, Philippines — Kumpirmado mula kay Interior Secretary Benhur “Jonvic” Remulla na hindi maipapa-deport si Russian vlogger Vitaly Zdorovetskiy at dito sa Pilipinas siya maglilingkod ng kanyang sentensiya kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa kanya.
Sa isang pahayag nitong Linggo, Hunyo 1, sinabi ni Remulla na walang bansang handang tumanggap kay Zdorovetskiy, kaya’t hindi na opsyon ang deportasyon.
“Ang problema kasi namin, ang Russia, hindi siya tinatanggap, ang US naman, green card holder siya, hindi rin siya tinatanggap, so hindi namin alam kung saan siya papauwiin eh,” ani Remulla.
Dagdag pa ng kalihim, sumulat umano si Zdorovetskiy sa kanya upang humiling na ibasura ang mga kaso dahil umano sa isyu ng kalusugan ng pag-iisip. Subalit tuloy ang pagsasampa ng kaso laban sa vlogger na nahaharap sa tatlong bilang ng unjust vexation.
Ayon kay Remulla, posibleng makulong si Zdorovetskiy ng tatlong buwan hanggang isang taon kung mapapatunayang nagkasala.
“We will service his sentence, sinigurado ko po ‘yun,” aniya.
Naaresto si Zdorovetskiy noong Abril 3 sa isang hotel sa Pasay matapos ilabas ng Bureau of Immigration ang mission order para sa kanyang pagdakip. Idineklara siyang “undesirable alien” kasunod ng sunod-sunod na reklamo.
Lumabas sa mga video mula sa press conference noong Abril 7 na nangharass siya ng isang security guard at isang matandang babae sa Bonifacio Global City. Bukod dito, kinasuhan din siya ng pagnanakaw ng electric fan mula sa isang kainan at isang traysikel, na kalauna’y kanyang iniwan.
May iba pa siyang ginawang paglabag kabilang na ang pag-post ng pekeng review laban sa ilang lokal na negosyo at pagtalon sa isang umaandar na jeepney — mga insidente na ikinabahala ng publiko.