Kwentong Politika

NASECOR sa ERC: Tama ba ang singil ng Meralco?

February 2, 2026

Pinasusuri ng National Association of Consumer Organizations (NASECOR) sa Energy Regulatory Commission (ERC) para kung sobra ang singil ng Manila Electric Company sa mga consumers.

Sa isang liham noong Enero 22, 2026, tinanong ni NASECOR president Petronilo Ilagan kung ilan sa mga subsidiaries at kaugnay na negosyo ng Meralco ang sakop ng batas na nag-uutos sa utilities na ipasa sa consumers ang kita mula sa ibang negosyo.

Ayon sa Section 26 ng Electric Power Industry Reform Act of 2001, kailangang hiwalay ang accounting ng negosyo, malinaw ang audit, at ipasa sa consumers ang reduction sa bills kapag kumikita ang utilities mula sa rate-based assets.

“Linawin lang natin ito. Hindi ito reklamo. Hindi rin ito akusasyon. Isa itong diretsong tanong para sa consumers… May audit ba? May malinaw bang segregation ng accounts? At may bill reduction bang pinapasa sa consumers kapag may kinita?” tanong ni Ilagan sa isang Facebook reel.

“Hindi po ito konklusyon. Ito ay clarification na hinihingi ng consumers. Dahil simple lang ang logic: kung may income na dapat bumaba sa singil pero hindi naipapasa, ang ending, mas mataas ang binabayaran ng consumers kesa sa dapat,” dagdag ng dating undersecretary ng Department of Energy.

Binigyang-diin ni Ilagan na hindi sila humihingi ng special treatment. Gusto lang nila ay patas at transparent ang pagpapatupad ng batas.

“Ang transparency ay hindi paninira. Ang audit ay hindi kaaway. Ito ay normal na bahagi ng tamang regulasyon lalo na kung milyong milyong Pilipino ang umaasa sa kuryente araw-araw,” dagdag pa niya.