MAYNILA, Pilipinas — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Martes ang opisyal na paglulunsad ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP), isang programang nagbibigay ng alternatibong paraan sa mga Pilipino na makakuha ng degree sa kolehiyo.
Ang Republic Act 12124, na nilagdaan noong Marso 3, 2025, ay isang alternatibong programa ng edukasyon na nagbibigay-daan sa mga propesyonal na hindi nakatapos ng kolehiyo—o hindi man lang nakapasok sa kolehiyo dahil sa iba’t ibang dahilan—na makakuha ng bachelor’s degree nang hindi kailangang dumaan sa tradisyonal na pormal na edukasyon.
“With the signing of the IRR of the Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program Act, we reaffirm a crucial principle: experience is just as valuable as a formal education. That we trust the Filipino’s ability to succeed—regardless of where and how they acquired their skills,” ani Marcos sa Malacañang.
(“Sa pamamagitan ng pagpirma sa IRR ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program Act, pinagtitibay natin ang isang mahalagang prinsipyo: kasinghalaga ng pormal na edukasyon ang karanasan. Ipinapakita natin ang tiwala natin sa kakayahan ng Pilipino na magtagumpay—anumang paraan o lugar nila natutunan ang kanilang kasanayan.”)
“Finally, we have institutionalized what we have been dreaming to be able to do for many, many years. Because after all, we all understand learning is not confined to the classroom. Often, the most important lessons are learned in the workplace, on shop floors, helping run a family business. Each experience in life carries a lesson, which we consider the toughest yet most honest teacher,” dagdag ng Pangulo.
(“Sa wakas, naisabatas na natin ang matagal na nating pinapangarap. Dahil alam nating ang pagkatuto ay hindi lang sa loob ng silid-aralan. Kadalasan, ang pinakamahalagang aral ay natutunan sa trabaho, sa mga pabrika, o sa pagtulong sa negosyo ng pamilya. Bawat karanasan sa buhay ay may dalang aral—ang pinaka-mahirap pero pinaka-tapat na guro.”)
Ayon sa Pangulo, maraming Pilipino ang napilitang huminto sa pag-aaral upang suportahan ang kanilang pamilya.
Tinukoy din niya ang ETEEAP bilang “a clear and structured way to recognize the prior learning of individuals—be it from years of work or because they have taught themselves these skills—and match that with an academic equivalency.”
(“isang malinaw at maayos na paraan upang kilalanin ang dating natutunan ng isang tao—mula man ito sa mahabang taon ng pagtatrabaho o sa sariling sikap na matuto—at itumbas ito sa edukasyong pang-akademiko.”)
Isa sa mga mahahalagang bahagi ng batas ay ang pagkakaroon ng “enrichment support” upang matulungan ang mga mag-aaral na maabot ang kinakailangang antas ng kaalaman at kasanayan sa kanilang napiling kurso.
Pinahihintulutan din ang mga pamantasan at kolehiyo na gamitin ang flexible learning approaches gaya ng online learning, para bumagay sa karanasan at istilo ng pagkatuto ng mga aplikante.
Sa ilalim ng batas, ang work experience, non-formal training, at informal education ay kinikilala bilang valid na kredito para sa isang degree.
Ang mga kwalipikadong aplikante ay kailangang:
Mamamayang Pilipino,
Hindi bababa sa 23 taong gulang,
May hindi bababa sa limang taon ng may kaugnayang trabaho, at
Nakapagtapos ng high school o may katumbas na dokumento (gaya ng resulta ng PEPT o ALS A&E).
Ang mga aplikante ay kailangang dumaan sa ebalwasyon ng mga deputized Higher Education Institutions (HEIs), na dapat ay may akreditasyong Level II (para sa SUCs) at tamang sertipikasyon upang mag-alok ng ETEEAP.
Pinalitan ng bagong IRR ang Executive Order 330 at ginagawa na ang ETEEAP bilang isang institusyonal, permanenteng programa ng gobyerno na may sapat na pondong pambansa.