Kwentong Politika

Marcos: Handa na ang Fuel Subsidies Habang Inaasahang Tataas ang Presyo ng Langis Dahil sa Tensyon sa pagitan ng Iran at Israel

June 18, 2025

MAYNILA, Pilipinas — Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Miyerkules na nakahanda na ang pamahalaan na magbigay ng subsidiya sa langis habang inaasahang tataas ang presyo nito sa pandaigdigang merkado bunsod ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.

Sa isang panayam sa mga mamamahayag, sinabi ng Pangulo na naghahanda na ang gobyerno para sa posibleng epekto ng pagkagambala sa suplay ng langis, lalo na kung maapektuhan ang Strait of Hormuz — isang mahalagang daanan ng pandaigdigang suplay ng langis.

“We are starting already with the assumption that the oil prices will in fact go up and I cannot see how it will not. Because the Strait of Hormuz will then be blocked if it escalates. The oil cannot come out of its sources. So the prices will certainly be affected,” ani Marcos.

Ipinunto ni Marcos na noong panahon ng pandemya, nagbigay na ng subsidiya ang pamahalaan sa mga tsuper, at muli itong ipatutupad sa kasalukuyang sitwasyon.

“So the subsidies that we have always given, fuel subsidies, that we gave to, if you remember during the pandemic, lalong-lalo na ‘yung mga napapasada, ‘yung mga may hanapbuhay naman sila, binigyan nating fuel subsidies,” dagdag niya.

Hindi lamang sa mga tsuper ibibigay ang subsidiya, kundi pati na rin sa iba pang sektor na matinding maaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis.

“Now we will have to do the same for those who are severely affected, stakeholders, by any instability in the price of oil. Yes, it’s a serious problem,” ani Marcos.

Ayon sa 2025 General Appropriations Act (GAA), may nakalaang P2.5 bilyong pondo sa Department of Transportation para sa fuel subsidy ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan, taxi, ride-hailing services, at mga delivery riders.

Nakasaad sa kasalukuyang polisiya na awtomatikong ilalabas ang fuel subsidy kapag lumagpas sa $80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil.

Inatasan din ng Pangulo ang Department of Energy (DOE) na mahigpit na bantayan ang sitwasyon sa Gitnang Silangan. Ayon sa DOE-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), may posibilidad ng pagtaas sa presyo ng langis dulot ng positibong senyales sa kalakalan ng U.S. at China, pagkakaantala ng negosasyong nukleyar ng U.S. at Iran, at inaasahang paglago ng pandaigdigang demand sa langis sa susunod na dalawampu’t limang taon.

Ayon kay DOE Officer-in-Charge Sharon Garin, ang pangunahing prayoridad ngayon ay matiyak ang sapat at matatag na suplay ng langis, pati na rin ang maayos na pag-manage ng lokal na pagtaas ng presyo upang hindi gaanong maapektuhan ang ekonomiya.

Hinikayat din ng ahensya ang mga kumpanya ng langis na magpatupad ng staggered o pasalinsaling price adjustments, lalo na kung biglaan at malaki ang itataas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, upang mapagaan ang epekto sa mga mamimili.

Noong Hunyo 16, iniulat ng DOE na nasa $73 kada bariles pa lamang ang presyo ng Dubai crude — mas mababa sa threshold para sa subsidy activation, ngunit inaasahang tataas pa kung lalala ang tensyon.

Samantala, sinabi rin ni Marcos na wala pang pangangailangang magsagawa ng sapilitang repatriation ng mga Pilipino sa mga apektadong lugar, ngunit patuloy ang pagbabantay ng pamahalaan sa paglala ng sitwasyon.