Kwentong Politika

Cebu City Magpapatupad ng Solar Power Project para Bawasan ang Paggastos sa Kuryente

June 18, 2025

CEBU CITY, Philippines — Dahil sa lumalaking gastusin sa kuryente, magpapatupad ng bagong proyekto ang pamahalaang lungsod ng Cebu upang gamitin ang solar energy sa mga gusaling pag-aari ng lungsod.

Ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA), gumastos ang lungsod ng Cebu ng humigit-kumulang P289.49 milyon para sa kuryente noong 2023—mas mataas kaysa sa mga nakaraang taon. Nasa 4.17 porsyento ito ng kabuuang kita ng lungsod para sa nasabing taon.

Dahil dito, inihain ni Mayor-elect Nestor Archival Sr. ang isang ordinansa na layong bawasan ang bayarin sa kuryente ng 10 hanggang 20 porsyento sa pamamagitan ng paglalagay ng solar panels sa mga pasilidad ng lungsod. Inaprubahan ito ng Sangguniang Panlungsod noong Hunyo 4.

Sa isang panayam, sinabi ni Archival, “Kay dinhi sa atong syudad, we’re paying something like P250 million per year para sa elektrisidad.”
(“Dito sa lungsod natin, umaabot sa P250 milyon ang taunang bayad natin sa kuryente.”)

Pinakikita ng datos mula sa COA ang tuluy-tuloy na pagtaas ng gastos sa kuryente sa lungsod sa nakalipas na anim na taon—mula P205.3 milyon noong 2018 hanggang P289.5 milyon noong 2023. Ayon sa COA, maaaring may kinalaman dito ang hindi episyenteng paggamit ng enerhiya at kakulangan sa maayos na pagpaplano.

Upang hindi madagdagan ang pasanin sa pondo ng lungsod, gagamit ng private contractors na siyang mag-iinstall ng solar panel systems nang walang gastos sa gobyerno. Mababawi nila ang puhunan mula sa matitipid sa kuryente, at kalaunan ay mapupunta na sa lungsod ang buong benepisyo.

Paliwanag ni Archival, “Now, kung ma-implement ni ang solar ordinance, there’s no cost to the city—wala tay budget pangitaon.”
(“Kung maipatupad ang ordinansa, walang gastos sa lungsod—hindi na kailangang maghanap ng pondo.”)

Ayon pa kay Archival, tinatayang P1 milyon kada buwan ang kuryente ng executive department, habang nasa P700,000 naman ang legislative department. Ang proyektong solar ay inaasahang makakatulong upang mapababa ang mga gastos na ito.

Nilinaw din niya na ang mga contractor ang sasagot sa lahat ng gastusin para sa supply, installation, at maintenance ng solar systems. Aniya, “Because on the ordinance, gisulti—nga kung kinsa tong ganahan nga contractor magbutang og solar, sila moy mobutang.”
(“Ayon sa ordinansa, kung sinong contractor ang gustong maglagay ng solar, sila mismo ang maglalagay.”)

Bilang bahagi ng implementasyon, itatatag ang isang Technical Working Group (TWG) na binubuo ng mga pinuno ng iba’t ibang tanggapan gaya ng Office of the Building Official, Budget Office, at City Planning and Development Office. Ang TWG ang magrerepaso ng mga proposal, magrekomenda ng pagbabago, at magmomonitor ng proyekto.

Ang proyekto ay hindi lang para sa pagtitipid, kundi bahagi rin ng adbokasiya ni Archival para sa makabago at makakalikasang pamamahala.

“The City encourages the private sector to partner and invest in upgrading city facilities,” dagdag niya.