Kwentong Politika

DOH, Suportado ang Panukalang Batas na Magpapalakas sa Sistema ng Pangangalagang Pangkalusugan

Suportado ng Department of Health (DOH) ang House Bill 11357, isang panukalang batas na naglalayong pagbutihin ang sistema ng pangangalagang pangkalusugan sa Pilipinas sa pamamagitan ng mas episyente at patas na serbisyo, pati na rin ang pagpapalakas ng kahandaan sa mga pampublikong emerhensiyang pangkalusugan. Inaprubahan ito sa ikalawang pagbasa ng House of Representatives noong Martes. Ang panukalang batas ay inihain ni House Health Committee Chairman at Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr., kasama ang 67 pang mga mambabatas, upang mapalakas ang serbisyong pangkalusugan sa buong bansa. Ipinunto ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang papel ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapatibay ng Universal Health Care (UHC) Law, lalo na dahil sa kanyang karanasan bilang dating gobernador ng isang lalawigan. “His broad national perspective rooted in local government implementation is what inspires the DOH as we actively support both the House of Representatives and the Senate in improving our UHC Act,” ani Herbosa. Isa sa mahahalagang amyenda, na iminungkahi ni House Appropriations Panel Acting Chairman at Marikina Rep. Stella Luz Quimbo, ay ang pagpapababa ng kontribusyon sa PhilHealth mula 5 porsyento patungo sa 3.5 porsyento. Ang mga susunod na pagbabago sa halaga ng kontribusyon ay ibabatay sa taunang pag-aaral ng isang independenteng grupo na inaprubahan ng Kongreso. Bukod dito, hindi na kailangang magbayad ng PhilHealth premium ang mga land- at sea-based na migrant workers. Sa halip, ang kanilang mga employer ang sasagot sa 50 porsyento ng kontribusyon, habang ang natitirang halaga ay babayaran ng pambansang gobyerno. Nakasaad din sa panukala ang pagtatakda ng limitasyon sa sahod ng mga opisyal at empleyado ng PhilHealth, kung saan hindi ito dapat lumagpas sa 7.5 porsyento ng kabuuang benepisyong naibigay sa nakaraang taon, imbes na ibatay sa nakolektang premium. Dagdag pa rito, ang mga lokal na pamahalaan, kabilang ang mga lungsod at munisipalidad, ay magkakaroon ng sariling pondo para sa pangangalagang pangkalusugan, alinsunod sa mga patakaran na itatakda ng DOH, Department of Budget and Management, at UHC Coordinating Council. Upang mapabilis ang pagpapatupad ng UHC law, ang UHC Coordinating Council—na pangungunahan ng mga kalihim ng DOH at ng Department of the Interior and Local Government—ang mangunguna sa pagpapatupad nito sa pambansa at lokal na antas. Pinagmulan: UHC amendments pass second reading  

Sen. Robin, Tinulak ang Pag-Amyenda sa Saligang Batas para Tiyakin ang Independence ng CHR

Para tiyakin ang independence ng Commission on Human Rights (CHR), itinulak ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang pagdeklara nito bilang “independent office” sa pamamagitan ng pag-amyenda sa 1987 Constitution. Ihinain ni Padilla nitong Lunes ang Resolution of Both Houses No. 11, na aamyenda sa Sec. 17 (Human Rights) ng Art. XIII (Social Justice and Human Rights) upang lumikha ng “independent office” na CHR. “It is essential to recalibrate the nation’s social justice and human rights policies in response to the evolving challenges posed by globalization, which introduces various forms of human rights violations, while simultaneously upholding the overarching tenets of human dignity as enshrined in the Constitution,” aniya sa kanyang resolusyon. Diniin ni Padilla na kailangan ng CHR ang “fiscal autonomy” para sa maayos nitong pamamalakad ng pondo, na hindi pinakikialaman ang trabaho ito. Ang CHR ay nilikha ng 1987 Constitution bilang “autonomous body,” at pormal na binuo noong Mayo 5, 1987 base sa Executive Order 163. Bukod sa pagbantay sa karapatan ng mga mamamayan, ito ay may tungkulin sa hindi bababa sa 16 special laws at isang executive order. Kabilang dito ang Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012 (RA 10353); Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict Act (RA 11188); ANti-Torture Act of 2009 (RA 9745); Magna Carta of Women (RA 9710); at Mental Health Act (RA 11036). “Ensuring the CHR’s complete fiscal independence is vital for the unhindered and efficient fulfillment of its responsibilities, thereby aligning its operations with the Commission’s established mandate and other responsibilities,” ani Padilla.

Pagtaas ng Presyo ng Langis para sa 2025, Inanunsyo ng mga Retailer

Maghihintay ng mas mataas na presyo ng langis ang mga motorista ngayong linggo, matapos mag-anunsyo ng mga retailer ng malaking pagtaas ng presyo noong Lunes bilang panimula ng 2025, kasunod ng rollback na ipinatupad noong nakaraang linggo. Ayon sa magkakahiwalay na abiso ng Seaoil Philippines Corp. at Shell Pilipinas Corp., itataas nila ang presyo ng gasolina at kerosene ng P1.00 bawat litro, at ang presyo ng diesel ay tataas ng P1.40. Samantalang ang Cleanfuel at Petro Gazz ay magpapatupad din ng parehong mga pagbabago sa presyo, maliban sa kerosene na hindi nila ibinibenta. Ang mga bagong presyo ay magiging epektibo sa 6 a.m. ng Martes, Enero 7, para sa lahat ng kumpanya maliban sa Cleanfuel, na magtataas ng presyo sa 4:01 p.m. ng parehong araw. Wala pang anunsyo mula sa ibang kumpanya ng langis tungkol sa mga pagbabago sa presyo ngayong linggo. Ang mga pagbabago sa presyo ay ayon sa mga naunang pagtataya ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), na nagbanggit ng patuloy na mga production cut hanggang Abril 2025, pagtaas ng demand sa US at Europa dulot ng matinding lamig, at mga geopolitikal na panganib at tensyon sa kalakalan. Noong nakaraang linggo, in-rollback ng mga kumpanya ang presyo ng diesel at gasolina ng P0.30 bawat litro at kerosene ng P0.90. Noong 2024, ang kabuuang pagbabago sa presyo ay nagresulta sa pagtaas ng P12.75 bawat litro para sa gasolina at P11.00 para sa diesel, habang ang kerosene naman ay nagkaroon ng pagbaba na P2.70 bawat litro.  

Pagsibak kay Herbosa at pagbalik ng Philhealth subsidy sigaw ng labor at health workers

Isang malaking kilos protesta ang inilunsad ng isang koalisyon ng labor groups, health workers at medical advocates sa Mendiola Manila kahapon upang igiit ang pagbibitiw ni Health Secretary Ted Herbosa at pagbabalik ng Philhealth subsidy sa ilalim ng 2025 national budget. Nasa 1,000 miyembro ng Nagkakaisang Mamamayan para sa Pangkalusugang Pangkalahatan ang sabay sabay na nagmartsa sa Morayta patungo sa Mendiola kung saan sigaw nito ang pagtanggal na kay Herbosa gayundin ang panawagan kay Pangulong Bongbong Marcos na i-veto ang rekomendasyon ng Kongreso na bigyan ng zero budget ang Phillhealth. “zero subsidy for Philhealth but full subsidy for trapos in the form of AKAP, AICS, TUPAD and confidential funds,” pahayag ni Judy Miranda, secretary-general ng Partido Manggagawa (PM). Sinabi ni Miranda na maganda ang naging hakbang ng Kamara na tanggalin ang confidential funds sa ilalim ng ilang ahensya kabilang ang Office of the Vice President subalit ang pakialamanan pati ang healthcare system at tanggalan ng pondo ang Philhealth ay malinaw na pasakit sa sektor ng kalusugan. Binatikos ng koalisyon ang maling desisyon ng Congressional Bicameral Conference Committee na i-zero budget ang Philhealth, giit ng grupo, labag ito sa batas at dapat na bawiin. Umaasa ang koalisyon na iveveto ni Pangulong Marcos ang zero budget ng Philhealth dahil mayroon itong malaking epekto sa healtcare system. Samantala, ipinanawagan din ng grupo na tanggalin na si Herbosa bilang kalihim ng Department of Health(DoH), giit ni Miranda, imbes na suportahan ni Herbosa ang sektor ng kalusugan sa harap ng isyu ng zero budget ng Philhealth ay sinusuportahan pa nya ito. Ipinaliwanag pa ni Miranda na nabigo din si Herbosa bilang Chairman ng Philhealth Board of Directors na pagandahin ang serbisyong DoH at Philhealth. “Sectary Herbosa should step down since he cannot do his job and make good on his promises. He committed to increasing by 50% across-the-board hike in Philhealth benefits which has not materialized. Philhealth has excess funds since it is scrimping on benefits. Herbosa, Alis dyan!,” giit ni Miranda. Sinabi pa ni Miranda na ang pagsibak kay Herbosa ay ang unang hakbang para mapaganda ang kalidad ng serbisyo ng DoH at Philhealth dahil na rin sa una ang hindi magandang palakad nito kaya nasasakripisyo ang health services para sa taumbayan. Ang PM ay isa sa grupong sumanib sa koalisyon ng Nagkakaisang Mamamayan para sa Pangkalusugang Pangkalahatan na isa sa intervenor sa naisampang kaso sa Korte Suprema na tumututol sa paglipat ng P90 billion na sobrang pondo ng Philhealth sa National Treasury.

Panukala ni Sen. Robinm Ibabalik sa Gobyerno ang Mga ‘Devolved’ na Agricultural Functions

Dahil balakid sa mga lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng serbisyong agrikultural ang problema tulad ng kakulangan ng pondo at pulitika, iminungkahi ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang pagbalik ng mga serbisyong ito sa pambansang pamahalaan. Ihinain ni Padilla nitong Lunes ang Senate Bill 2904, na aamyenda sa Republic Act 7160 (Local Government Code) upang matiyak ang food security, paglaban sa kahirapan, at pantay na panlipunan. “Under the Local Government Code of 1991, agricultural support, extension and on-site research services and facilities were devolved to the LGUs. Years after the enactment of the LGC, studies from the agriculture and economy experts… revealed issues such as lack of funds and varying needs at the local government levels, resulting in varying standards for agricultural productivity and inconsistent implementation of agricultural policies and programs,” ani Padilla sa kanyang panukala. Aniya, may pag-aaral noong 2020 si University of the Philippines Los Banos Prof. Dario Cidro kung saan nakita ang mga problema sa pag-devolve ng agricultural extension: hindi matupad ang trabaho ng extension workers dahil sa kakulangan sa pondo pamumulitika sa ilang sitwasyon, ang kakulangan ng suporta mula sa lokal na opisyal “Cognizant of the issues that have plagued the agriculture sector for so long, Senate President Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero renewed his interest to push for the renationalization of agricultural services and facilities,” ani Padilla. Layon ng panukalang batas na amyendahan ang Local Government Code para alisin ang agricultural support services sa barangay; at ang extension at on-site research services sa municipality at provincial na lebel. Ibabalik din nito ang na-devolve na agricultural services at facilities sa pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Agriculture, kabilang ang agricultural support services, extension at on-site research services. “All personnel, technicians, facilities and properties previously transferred to the barangay, municipalities, provinces and cities shall be transferred back to the National Government,” ayon sa panukala. Ang National Agricultural and Fishery Council naman, sa pakikipagugnayan sa mga kinauukulang sektor, ang kikilala sa mga problema ng industriya at magrekomenda ng hakbangin para tiyakin ang agricultural productivity.

Sen. Robin: Hindi na Dapat Patagalin Pa ang Pangako sa Nagbalik-Loob

Hindi na dapat patagalin ng pamahalaan ang pinangako nitong tulong para sa mga dating mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) na nakinabang sa programang amnestiya. Iginiit ito nitong Martes ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, matapos ang kanyang consultative meeting sa mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Senado. “Sa totoo lang, ang daming pinaguusapan ngayon na hindi pa pinaguusapan. Dapat pinaguusapan, paano tayo makaka-deliver sa pinangako ng gobyerno sa MILF,” ani Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs. Napag-alaman sa pagpulong na marami pang hindi naitupad sa pangako ng pamahalaan sa mga taga-MNLF at MILF na magbabalik-loob. Mula 2014, 26,145 decommissioned combatants pa lang ang nakatanggap ng tulong – at may 14,000 pang pinoproseso ang kanilang pag-decommission. Sa 26,145 na nakakatanggap ng tulong, hindi lahat ang nabigyan ng socio-economic package na ipinangako sa kanila. “Frustrated ang combatants namin, bakit hanggang ngayon di pa delivered ang commitment ng gobyerno… siguro di dapat parang pagong na umuusad yan,” ani Mohagher Iqbal, na dating opisyal ng MILF at ngayo’y myembro ng Bangsamoro Transition Authority Parliament. Tugon ni Padilla, paguusapan niya ito ng mga taga-Mindanao na senador, kasama si Sen. Juan Miguel Zubiri at Ronald dela Rosa para maimbestigahan kung ano ang nangyari sa amnesty. Aniya, nagulat sila ni Zubiri sa sitwasyon. “Hindi ba meron tayong pinasang batas? Yun pala kwentuhan pa lang yan. So yan aasikasuhin natin,” aniya.

Sen. Robin, Umapela sa Gobyerno para Maging Mas Maluwag sa Refugees

Umapela nitong Huwebes ng gabi si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa pamahalaan na maging mas maluwag ang trato sa mga refugee at stateless persons, lalo na ang mga napilitang umalis sa kanilang mga bansa dahil sa giyera at pagmamalupit. Ginawa ni Padilla ang pag-apela sa kanyang mensahe sa pagtatapos ng 10-taong implementasyon ng National Action Plan to End Statelessness sa Makati City. “Sana ang gobyerno namin medyo lumuwag nang kaunti… Sana ganyan din maging mentalidad ng leaders sa bansang ito, hindi tayo puro kwento. Kasi sa sarili nating bayan meron tayong stateless sa Sabah,” aniya. Ikinalungkot ni Padilla na maraming mga refugee at stateless persons ay mga Muslim. Igniit niya na may magagawa ang pamahalaan para tulungan sila. “Meron tayong siguro ang makakatulong sa atin, nandiyan ang DOJ,” aniya. Ihinain ni Padilla noong Pebrero ang Senate Bill 2548 na nagpapalakas sa proteksyong maibibigay ng pamahalaan sa mga refugee at stateless persons, lalo na ang mga apektado ng giyera at pagmamalupit. Sa panukalang batas, magkakaroon ng Refugees and Stateless Persons Protection Board bilang “central authority” sa mga bagay tungkol sa pag-determina ng status, at eligibility para makamit ang proteksyon bilang refugee at stateless person. Ipinagbabawal ng panukalang batas ang Estado na paalisin ang refugee maliban kung ito ay may kinalaman sa national security o public order, mula Pilipinas papunta sa bansang maaaring maranasan nila ang pagmamalupit. Bago ang mensahe ni Padilla, diniin ni Chief State Counsel Dennis Arvin Chan na kailangan ang patuloy na pakikipagugnayan ng Pilipinas sa ibang bansa para tuldukan ang statelessness. Ayon naman kay Atty. Maria Ermina Valdeavilla Gallardo, pinuno ng Philippines Office ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR), may 4.4 milyong stateless na tao sa buong mundo, at dapat tutukan ang mga bagong hamon kabilang ang bata ng mga migrant workers na inaabandona. “It is about restoring humanity, ensuring every child person woman has a chance to say ako ay Pilipino,” aniya.

Sen. Robin, Nagbigay Pugay kay Dating Sen. Santanina Rasul

Nagbigay pugay si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla kay dating Sen. Santanina Rasul, na pumanaw nitong Huwebes, Nobyembre 28. Ani Padilla, si Rasul ang unang babaeng Muslim na naglingkod sa Senado ng Pilipinas. “Inaalala siya bilang isang taga umpisa, tagapagturo, at dedikadong pampublikong lingkod na ang pamana ay kinabibilangan ng mga landmark na batas na nagtataguyod sa mga karapatan ng kababaihan, mga reporma sa edukasyon, at mga pagsisikap sa pagbuo ng kapayapaan,” anıya. “Nasa Diyos tayo, at sa Kanya tayo babalik,” dagdag ni Padilla, na isa ring Muslim. Si Padilla ang tagapangulo ng Senate committee on cultural communities and Muslim affairs.

Sen. Robin, Isinulong ang Pagpasa ng FOI Bill

“Sa isang demokratikong pamayanan, wala pong boss kundi ang taumbayan. At bilang tagapaglingkod ng bayan, tungkulin nating tumugon sa mga tanong ng ating mga pinaglilingkuran. Sa panukalang batas po na ito ang bawat Pilipino na humihingi ng impormasyon ay may karapatang mabigyan ng access sa mga tanggapan ng pamahalaan.” Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa kanyang pag-sponsor ng Senate Bill 2880, na bunga ng konsolidasyon ng mga bersyon ng People’s Freedom of Information (FOI) Act. Ani Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, magiging applicable ang FOI sa lahat ng executive, legislative at judicial na tanggapan, constitutional offices, lokal na pamahalaan, State Universities and Colleges (SUCS), Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs), at iba pang instrumentalidad ng pamahalaan. Diin ni Padilla na ang panukalang batas ay tumatalima sa Artikulo III, Seksyon 7 ng Saligang Batas: “The right of the people to information on matters of public concern shall be recognized”; at sa Seksyon 28, Artikulo II ng Saligang Batas: “Subject to reasonable conditions prescribed by law, the State adopts and implements a policy of full public disclosure of all its transactions involving public interest.” May probisyon ang panukalang batas na inilista ang mga exceptions kabilang ang impormasyong may kinalaman sa ating pambansang seguridad at depensa, diplomatic safety, mga impormasyong nakatala sa executive session ng dalawang kapulungan ng Kongreso, trade secrets, at ang mga sumasailalim sa bisa ng presidential privilege. Hindi rin makakasama sa ilalathala ang mga personal na impormasyon sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth tulad ng address, mga detalye ng mga dependents, pirma ng kawani ng pamahalaan at mga kopya ng ating IDs. “Kabilang rin po sa konsiderasyon sa pagbalangkas ng panukalang ito ang layunin ng Republic Act 10173 o Data Privacy Act of 2012 na nangangalaga sa ating right to privacy,” ani Padilla. “Nais ko na ring banggitin na binibigyang-diin ng panukalang batas na ito ang Republic Act No. 9485 o Anti-Red Tape Act of 2007 na naglalayong mapabilis ang serbisyo ng gobyerno,” dagdag niya. Iginiit ni Padilla na hangad ng panukalang batas ang magkaroon ng totoong transparency at accountability pagdating sa koleksyon at paggasta ng mga ahensya at lokal na pamahalaan ng pondo ng bayan. Makakatulong din ang panukala sa laban sa lumalalang sistema ng korapsyon, aniya. “Isang napakagandang hakbangin po nito kung tunay at tapat ang ating intensyon sa tamang paggastos ng pera ng bayan. Hindi lamang nito mahahadlangan ang mga modus sa pagbubulsa ng ating kaban, mas mapapaigting rin po nito ang pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan,” aniya. Dagdag pa ni Padilla, hinihikayat ang mga ahensya na gumamit ng payak na wika sa pamamagitan ng paggamit ng wikang Filipino sa mga impormasyong ilalabas. “Upang magkaroon naman po ng ngipin ang ating batas, naging partikular na rin po tayo sa mga administrative offenses, gayundin sa mga karampatang parusa, sa mga lalabag sa sinasaad ng ating FOI bill,” diin niya. “Mayroon din pong probisyon sa sistema ng incentives at rewards upang mabigyan naman natin ng tamang pagkilala ang mga ahensya o lokal na pamahalaan na nakikiisa at sumusunod sa mga panuntunan ng freedom of information,” dagdag niya.

Bill ni Sen. Robin, Paparusahan ang Abusadong Pagkolekta ng Utang

Naghain ng panukalang batas si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para parusahan ang abusadong pangongolekta ng utang, kabilang ang panliligalig at panghihiya. Ani Padilla, ihinain niya ang Senate Bill 2882 dahil hindi sapat ang proteksyon ng RA 9474 (Lending Company Regulation Act) at RA 7394 (Consumer Act) laban sa ganitong abusadong gawain. “Over the years, the Securities and Exchange Commission (SEC), the National Data Privacy Commission and law enforcement agencies have received numerous complaints against Financing Companies (FCs) and Lending Companies (LCs) harassing, shaming, and employing abusive, unethical, and unfair means upon their customers/clients to force the settlement of debts. Likewise, there has been a proliferation of misuse of customer/client personal information and the public disclosure of unpaid loans or balances,” ayon sa mambabatas. Dagdag niya, umiiwas sa pananagutan ang ganitong lending companies sa pamamagitan ng paggamit ng third-party service providers para mag-harass ng may utang. Isa sa mga hakbang sa panukalang batas ay ang pagpataw sa mga FC at LC ng pananagutan sa mga pinagbabawal na aksyon, para hindi nila malusutan ang pananagutan. “This proposed measure declares it as a policy to regulate the collection practices of FCs and LCs to deter the use of means that are prejudicial to the interest of the public,” aniya. Sa panukalang batas, kabilang sa mga prohibited acts ang: Paggamit ng banta ng karahasan Paggamit ng bastos na pananalita at insulto sa may utang Paggamit ng social media at ibang online platforms para hiyain ang may utang Pagbulgar ng personal na impormasyon ng may utang Pagtawag sa may utang sa hindi makatwirang oras   “Notwithstanding the borrower’s consent, contacting the persons relatives, colleagues, or acquaintances other than those named as guarantors, surety, or co-makers shall also constitute unfair debt collection practice,” ani Padilla. May multa na P50,000 para sa unang paglabag; P100,000 sa pangalawang paglabag; P500,000 hanggang P1 milyon at 90-araw na suspensyon ng lending and financing activities sa pangatlong paglabag; at pagbawi ng certificate of authority to operate as an FC or LC sa ikaapat na paglabag. Sa panukalang batas, ibubunyag din ng mga FC at LC sa Securities and Exchange Commission (SEC) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang impormasyon sa kanilang third-party service providers, kasama ang nakarehistrong numero na gagamitin sa pagkolekta ng utang.